Tagalog news: DTI Romblon naglalagay na ng ICC stickers sa mga helmet
ODIONGAN, Romblon, Agosto 17 (PIA) -- Sinimulan na ng Department of Trade and Industry (DTI) Romblon ang pag-iisyu ng Import Commodity Clearance (ICC) stickers para sa mga motorcycle helmets.
Sinabi ni Mary Grace H. Fonng DTI Romblon na ito ay bilang pagsunod sa Section 3 ng Republic Act 10054 o mas kilala bilang Motorcycle Helmet Act of 2009. Nakasaad dito na lahat ng mga sumasakay sa motorsiklo ay dapat gumamit ng standard protective motorcycle helmets habang sakay ng motorsiklo malayo man o malapit ang lugar na pupuntahan.
Kaugnay nito, kinakailangang lahat ng mga helmet na ibebenta simula ngayong taon ay may ICC mark na at kung sakaling wala pa ay dapat makipag-ugnayan sa tanggapan ng DTI para sa kaukulang sticker.
Dagdag pa ni Fontelo, ito ay libre at kailangan lang mag-fill up ng form at ipakita ang rehistro ng motorsiklo, mga valid identification cards at lisensya ng driver upang mabigyan ng ICC sticker.
Aniya, isa sa mga requirement nila sa mga helmet na dadalhin ay walang gasgas o anumang alteration, hindi napintahan o nalagyan ng sticker at walang basag sapagkat ang mga kundisyong ito ay may epekto sa gumagamit.
Hindi rin nila nilalagyan ng ICC sticker ang mga helmet na half-faced at hindi gumagana ang strap sapagkat maaaring hindi ito makapagbigay ng proteksyon sa gagamit nito.
Sinabi ni Fontelo na simula noong Agosto 13 ay nagsimula na ang DTI na magproseso ng mga form na isinusumite ng aplokante para sa ICC stickering simula ala-una hanggang alas-kwatro ng hapon araw-araw, lunes hanggang biyernes.
Isang sertipikadong kawani ng DTI ang mag-iinspekyon ng helmet sa loob ng 5-10 minuto pagkabigay ng papel. Pagkatapos ng inspeksyon, ang pangalan o numero ay tatawagin upang pumirma ng konpirmasyong naidikit na ang kaukulang sticker sa helmet.
Nanawagan naman ang naturang ahensiya sa lahat ng motorcycle riders na gumamit ng lehitimong helmet sapagkat ito ay para din sa kanilang kaligtasan.
Sa mga hindi pumasa, makakatanggap ng kaukulang patnubay sa tama at dapat na pamantayan sa pagpili at pagbili ng isang helmet. Maaari din aniyang magbigay ang kanilang tanggapan ng mga listahan ng certified helmets na aprubado ng DTI para sa mga riders na ngayon pa lamang bibili ng helmet.
Nakatakda rin aniyang magtungo sa iba pang mga island municipalities ang DTI Romblon upang maglagay ng ICC stickers sa mga helmet. Naka-iskedyul silang magpunta sa Romblon, Romblon sa Setyembre 1, Magdiwang, Romblon sa Setyembre 3, Cajidiocan, Romblon sa Setyembre 4 at San Fernando, Romblon sa Setyembre 5. Ito’y upang maiwasan ang pagkakasabay-sabay ng mga kukuha ng sticker, makatipid ang mga nagmamay-ari ng motorsiklo sa pamasahe at abala sa layo ng biyahe dahil nakabase ang DTI provincial office sa bayan ng Odiongan sa Tablas Island.
Laging handa rin aniya ang kanilang mga tanggapan na matugunan ang iba pang serbisyong kinakailangan ng iba pang mga negosyante tulad ng pagrerehistro ng pangalan ng kanilang negosyo. (LBR/DM/PIA-IVB/Romblon)
Number of Comments: 0