Tagalog news: PCA namahagi ng libreng salt fertilizers sa mga magsasaka
ROMBLON, Romblon, Agosto 9 (PIA) -- Namahagi ang Philippine Coconut Authority (PCA) ng 400 sako ng salt fertilizer sa mga magsasaka ng niyog sa kabisera ng Romblon upang magamit ng mga ito sa pagpapalago ng kanilang produksiyon.
Sinabi ni Protacio G. Rubia mula sa PCA Romblon na walong mga barangay sa munisipalidad ng Romblon ang kanilang nabigyan ng libreng fertilizer.
Kabilang sa mga ito ang Sawang, Ginablan, Agnipa, Lunas, Palje, Agpanabat, Macalas at Tambac kung saan tig-50 sakong fertilizer ang tinanggap ng bawat punong barangay na siyang namahagi sa mga coconut farmers sa kanilang lugar.
Sa panayam ng PIA-Romblon kay Eugene Mariveles, administrative aide I mula sa Office of the Municipal Agriculture, sinabi nito na sa bawat barangay ay bibigyan ng minimum na dalawang sako ng fertilizer ang isang coconut farmer depende sa lawak ng sinasakang niyogan.
Ayon sa kanyang pagtataya, humigit kumulang sa 200 ang nakinabang na magsasaka sa nabanggit na programa.
Samantala, unang bahagi pa lamang ani Rubia ang pamimigay ng libreng fertilizer na ito at tiniyak niyang mabibigyan ang lahat ng mga barangay sa buong lalawigan upang palakasin ang pagtatanim ng niyog at pagpaparami ng bunga dahil lumalaki na aniya ang demand ng buko sa ibang bansa partikular sa Amerika. (LBR/DM/PIA-IVB/Romblon)
Number of Comments: 0