Tagalog news: Romblon, matagumpay na nailunsad ang Buwan ng Nutrisyon

By Dinnes Manzo

Tuesday 3rd of July 2012
ROMBLON, Romblon, Hulyo 3 (PIA) -- Matagumpay na inilunsad ngayong umaga ng lokal na pamahalaan ng Romblon ang selebrasyon para sa Buwan ng Nutrisyon.

Ang selebrasyon na ginanap sa Romblon National High School Grandstand, Romblon, Romblon ay may temang “Pagkain ng gulay ugaliin, araw-araw itong ihain.”

Sinimulan ang selebrasyon sa pamamagitan ng isang parada sa kabayanan ng mga tauhan at miyembro ng ahensyang kasali sa naturang programa at mga piling mag-aaral sa elementarya at high school.

Ipinagdiriwang taun-taon ang Hulyo bilang Buwan ng Nutrisyon upang maipamulat sa mga magulang, mga kabataan at mag-aaral ang kahalagahan ng wastong nutrisyon kung kaya ang munisipyo ng Romblon ay naghanda ng mga aktibidad at programa tungkol dito.

Ayon kay Antonia Moaje, Municipal Nutrition Action Officer (MNAO), kalakip aniya ng selebrasyong ito ang mga programa ng pamahalaan sa aspetong pang-nutrisyon. Sa pangunguna ng tanggapan ni mayor Gerard Montojo, katuwang ang iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan gaya ng Department of Social Welfare and Development, Department of Education, Rural Health Unit, Municipal Nutrition Committee, Municipal Agriculture Office at mga punong-guro sa mga pampublikong paaralan sa sekondarya at elementarya.

Nakatakda aniya silang magsagawa ng mga aktibidad na may kinalaman sa paghihikayat sa mga magulang lalo na sa mga kabataan na kumain ng gulay at masusustansiyang pagkain araw-araw.

Kabilang din dito ang pagsusulong sa mga programa ng pamahalaan upang bumaba ang bilang ng malnutrisyon, pagtuturo kung paano maging balanse ang ihahain na pagkain sa hapag kainan at patuloy na pagpapaunlad ng tamang nutrisyon sa mga kabataan.

Kabilang rin aniya sa kanilang mga isasagawa ang immunization sa mga bata at medical consultation sa mga may sakit, pagbibigay ng kaalaman hinggil sa "fertility awareness" para sa mga kababaihan, pagbabantay sa timbang at pagsusukat sa taas o tangkad ng mga day care children at nutrition quiz bee sa mga eskwelahan. Inaasahan na magiging makabuluhan at matagumpay sa kabuuan ang isang buwang pagdiriwang ng nutrisyon sa munisipalidad ng Romblon. (LBR/DM-PIA4B Romblon)

Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters