Tagalog news: Kampanya kontra dengue patuloy sa Romblon
LUNGSOD NG ROMBLON, Romblon, Hunyo 15 (PIA) -- Patuloy ang isinasagawang kampanya laban sa dengue ng rural health unit (RHU) ng Romblon bilang pagtaguyod sa ABKD o Aksyon Barangay Kontra Dengue, isang pamamaraan na ipinalabas ng Department of Health (DOH) upang maiwasan ang pagdami ng lamok sa mga kabahayan, bakuran, at maging sa mga paaralan.
Ayon kay Pearlita Durano, Nurse II, OIC-RHU Romblon, matagal nang naglabas ng health advisory ang RHU upang ipamahagi sa mga kabahayan at eskwelahan at ito ay naglalaman ng tamang pamamaraan upang sugpuin ang mga lamok.
Nakasaad din dito ang mga kailangang gawin tulad ng pag-aalis ng mga bagay na maaaring pag-ipunan ng tubig na posibleng pangitlugan ng lamok gaya ng mga sirang gulong, basyong bote, bukas na lata, flower vase, timba, mga alulod, bao ng niyog, o pinagbiyakan ng buko, at iba pa. Dapat hanapin ang mga ito sa loob at labas ng mga bahay o bakuran. Dapat ay palitan ang tubig na nakaimbak o laman ng plorera kada tatlong araw.
Sa malinis na tubig nangingitlog ang lamok na Aedes na nagdadala ng sakit na dengue kung kaya dapat na hanapin at wasakin ang pinamamahayan ng mga kiti-kiti. Gumamit ng proteksiyon gaya ng pagsusuot ng pantalon at damit na may mahabang manggas, dapat gumamit ng kulambo kapag matutulog, o magpahid ng mosquito repellant sa araw.
Kaugnay pa rin ng inilabas na health advisory ng RHU-Romblon, nakasaad din ang mga impormasyong maaaring makatulong sa pagsugpo ng dengue.
Ang dengue ay isang sakit na naisasalin sa tao sa pamamagitan ng kagat ng babaeng lamok na “Aedes Egypti” at “Albofictus”na may dalang dengue virus. Ang mga sintomas o mga palatandaan ng sakit na ito ay mataas at tuloy-tuloy na lagnat na tumatagal nang dalawa hanggang pitong araw; mga pantal sa balat; pagdurugo ng gilagid o ilong.
Kapag nakita o naramdaman ang mga sintomas na nabanggit ay pumunta at komunsulta kaagad sa pinakamalapit na health center o ospital. (LBR/DM-PIA 4B, Romblon)
Number of Comments: 0