Ilegal na nangingisda, nasabat ng Bantay Dagat at PNP Romblon
ROMBLON, Romblon, Hunyo 13 (PIA) --- Nahuli sa akto ng Bantay Dagat at PNP Romblon ang ilegal na nangingisda sa karagatang sakop ng bayan ng Romblon, Romblon ng nakaraang araw na naging hudyat upang hulihin ito ng mga awtoridad.
Ang nahuling fishing boat ay pag-aari ng isang residente ng Brgy. Matutuna, San Andres, Romblon at kasama ring nahuli ang siyam pang mga tripulante nito na ilegal na nag-operate ng kanilang lambat malapit sa baybayin ng Brgy. Cobrador, Romblon, Romblon.
Ayon kay Charles M. Ramal, Municipal Fishery and Aquatic Resources Management Council (MFARMC) Chairman, lumabag ang mga nasabing mangingisda sa pinaigting na Comprehensive Municipal Fishery Ordinance ng Romblon kung saan ang mga ito ay walang lisensiya o permiso para mangisda sa katubigan ng kabisera, ang kanilang sasakyang pandagat/fishing boat, lambat, nagmamay-ari at mga tripulante umano ay hindi nakarehistro bilang mga Municipal Fisherfolks and Fisher workers.
Dahil sa ilegal nilang pagpasok sa karagatang sakop ng munisipyo at paglabag sa section 80, 82, 83, & 84 ng Comprehensive Municipal Ordinance of the Municipality of Romblon. Ang mga nahuli ay pinagmulta ng P19,000.00 sa unang pagsuway ng mga ito at gumawa rin ng isang promissory note na kanilang nilagdaan at ipina-notaryo na nagsasaad na hindi na sila kailanman mangingisda sa municipal water ng kabisera.
Magsilbi sana umano itong babala sa sinumang nagbabalak na mag-ooperate ng walang pahintulot sa Romblon dahil seryoso ang mga otoridad sa kanilang kampanya laban sa mga illegal fishing activity ng ilang lumalabag ng mga magingisda, pahayag pa ni Ramal.(DM/TBOPIA-IVB/Romblon)
Number of Comments: 0