Tagalog news: 36 katao nailigtas ng Philippine Coast Guard Romblon

By Dinnes Manzo

Friday 8th of June 2012
ROMBLON, Romblon, Hunyo 8 (PIA) -- Natagpuan na ng Philippine Coast Romblon ang isang pumpboat na naiulat na nawawala kahapon ng umaga.

Ayon kay PCG Romblon Station Commander Lt. Geoffrey G. Espaldon, dakong 7:00 a.m. kahapon ay nakatanggap sila ng text message mula sa PCG Batangas District Office na may nawawalang pumpboat na may lulan na 36 katao mula sa Sitio Sader, Brgy. Bantulan, Taytay, Palawan.

Kinabibilangan ito ng walong bata at 28 nasa tamang edad kabilang ang mga tripulante ng bangka.

Agad daw silang nagsagawa ng mabilisang search and rescue operation sa karagatang sakop ng Romblon upang hanapin at maisalba ang mga pasahero ng motorized banca na M/B Red Robert.

Halos limang oras umano ang ginugol nila sa paghahanap ng naturang bangka na kanilang natagpuan sa layong 25 milya mula sa Brgy. Cobrador, Romblon, Romblon at mahigit tatlong oras nilang hinila ang bangka papunta sa kabisera upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

Idineretso nila ang mga ito sa Coast Guard Station sa Brgy. Bagacay, Romblon, Romblon bandang alas tres ng hapon kahapon upang masuri.

Sa panayam ng PIA-Romblon sa may-ari ng pumpboat na si Redentor Y. Sanchez, residente ng Brgy. Manapao, Claveria, Masbate, nagbakasyon umano sila ng ilang linggo sa Palawan kasama ang lahat ng miyembro ng kanilang pamilya nang mangyari ang insidente.

Ayon sa kapitan na si Livy Rapsing, umalis sila sa Taytay, Palawan dakong alas diyes ng umaga noong Hunyo 5. Maganda naman aniya ang panahon at kondisyon ng kanilang sinasakyang pumpboat subalit noong malapit na sila sa Burias island, Masbate ay nagkaroon ng aberya sa makina ng kanilang sinasakyan.

Hindi nila maayos ang makina dahil wala umano silang piyesang maipapalit sa nasira kaya nagpasya silang tumawag sa kanilang kapamilya sa Palawan upang humingi ng tulong sa Philippine Coast Guard.

Laking pasalamat ng mga na-rescue sa PCG Romblon na naghanap sa kanila at malaking utang na loob umano nila ang kanilang buhay sa mga ito.

Ani Lt. Espaladon, tungkulin nila na makatulong sa lahat ng nangangailangan ng kanilang serbisyo kung kaya walang dapat na ipag-alala ang sinuman na dumulog sa kanilang tanggapan at agad nila itong tutugunan.

Dagdag pa ni Espaldon, papayagan na rin nilang makapaglayag pauwi ng Masbate ang mga napadpad sa Romblon sa oras na maayos ang makina ng kanilang bangka at kapag maganda na ang panahon ngayong araw. (LBR/DM-PIA 4B, Romblon)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters