Tagalog News: Operation Tuli, isasagawa sa Romblon District Hospital
ROMBLON, Romblon, Mayo 8 (PIA) -- Nakatakdang magsagawa ng "Operation Tuli" ang Romblon District Hospital Doctors & Personnel sa Barangay Guimpingan sa Mayo 15.
Makikipagtulungan ang RDH na pangungunahan ni Dr. Amir Antonio P. Natino, Medical Officer IV, OIC-RDH sa Brgy. Council na pamumunuan naman ni Kapitan Recoy Morante, upang mabigyan ng pagkakataon ang mga batang lalaki na matuli bago magbukas ang school year.
Ayon kay Dr. Natino, mas makabubuti sa mga bata ang maagang maipatuli para sa kanilang personal hygiene at para matuto silang pangalagaan ang kanilang katawan. Posible umanong magkaroon ng urinary tract infection ang sinumang lalaki na hindi agad matutuli.
Aktibo ring nakikipagtulungan ang Barangay Nutrition Scholars, mga Barangay Health Worker at maging ang mga magulang ng mga batang sasailalim sa operasyon. Inaasahan nila na magiging matagumpay ang programa base na rin sa dami ng mga nagpalistang kabataan sa kanilang barangay. (LBR/DM/PIA-IVB/Romblon)
Number of Comments: 0