Tagalog news: State of calamity, itinaas sa Bataan
LUNGSOD NG BALANGA, Bataan, Agosto 8 (PIA) -- Isinailalim na ang Bataan sa state of calamity matapos malubog ang mga bayan sa hanggang dibdib na tubig baha, na ayon sa matataas na opisyal, ay ang pinakamalala sa loob ng 26 na taon.
Ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan kahapon ang Resolution No. 58 na nagtaas ng state of calamity bunsod ng walang tigil na pag-ulan na dala ng hanging Habagat at sumalanta nang may 200,000 Bataeño.
Pumangalawa ang Bataan sa Gitnang Luzon na may pinakamaraming naitalang pagkamatay sa bilang na tatlo, kasunod sa Bulacan na may apat.
Nasalanta rin ng baha ang mga palayan na nagtamo ng P2.6 milyong pinsala, sabi ng ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).
Sinabi ni Gobernador Enrique Garcia, Jr. na hindi pa nakararanas ang lalawigan nang ganitong pagbaha mula 1986.
Nagpahayag naman si Mayor Jesse Concepcion ng pagsuporta hinggil sa pagpapatupad ng state of calamity na magpapahintulot sa mga bayan na gamitin ang kanilang calamity fund.
“Dapat lang na ideklara ang state of calamity para mabigyan ng tulong ang mga apektado, at patotoo nito na dapat lang ito ipatupad ay ang pinirmahan ni Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr. na Memorandum Circular No. 33 series of 2012 para sa suspensyon ng trabaho at mga klase,” ani Concepcion.
Itinaas ang direktiba ngayong araw sa National Capital Region at siyam na kalapit na mga probinsya kabilang ang Bataan ayon sa rekomendasyon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration dahil sa masamang panahon.
Sinabi ni PDRRMC Head Teresita Señora na magagamit na ng Bataan at ng mga bayan ang 30 porsiyento ng kanilang calamity fund para bumili ng mga relief goods. Ang 70 porsiyento ay ginagamit para sa pagbili ng mga kagamitang pang-rescue at para sa pagsasanay ng mga rescuer, aniya.
Samantala, “makakukuha na ang mga apektadong tao ng calamity loan sa SSS, GSIS at PAG-IBIG,” ani Señora. (RMB/JMG-PIA3 Bataan)
Number of Comments: 0