Tagalog news: Mas mabilis na sistema ng pagtataya ng panahon sa Bataan, ipinaliwanag ng Pag-asa

By Jose Mari Garcia

Tuesday 17th of July 2012
LUNGSOD NG BALANGA, Bataan, Hulyo 17 (PIA) -- Ipinaliwanag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pag-asa) sa mga rescue council sa Bataan ang bagong tayong automatic weather station (AWS) dito na magbibigay ng mas mabilis na ulat panahon sa piling mga lugar sa lalawigan.

Isang grupo mula sa Pag-asa ang tumalakay sa gamit ng AWS na nagbibigay ng maagang babala hinggil sa lagay ng panahon sa pamamagitan ng pagtatala ng iba’t ibang salik gaya ng rainfall, wind speed, humidity, temperature at iba pa.

Isang AWS ang itinayo sa Bataan National High School sa lungsod na ito nitong Mayo habang may isa pa sa bayan ng Mariveles.

Sinabi ni Pag-asa Weather Facilities Technician Veronica Chin na trabaho ng sistemang ito na nagkakahalagang P700,000 na magbigay ng maagang babala sa mga barangay sa loob nang lima hanggang 10-kilometrong sakop ng AWS.

“Halimbawa, kung mataas na ang rainfall reading, maaari nang sabihan ang mga tao na umabot na sa kritikal na antas ang tubig at dapat na silang maging handa,” ani Chin.

Ayon kay Dennis Mariano, pinuno ng Balanga City Public Safety Office, mas maraming buhay ang maililigtas gamit ang impormasyon mula sa AWS dahil magkakaroon na sila ng basehang ipapakita sa mga tao sa panahon ng kalamidad.

“Napakahirap ilikas ng mga tao kung walang basehan. Sa impormasyong ito, maipapakita namin ito sa mga tao at mabibigyan sila ng maagang babala,” ani Mariano.

Maliban sa AWS, may tatlong rain gauge na rin ang Balanga, apat na river gauge, at isang manual weather station na nakaposisyon sa iba’t ibang parte ng lungsod.

Kaugnay nito, idinagdag ni Chin na dapat lahat ng barangay ay magpatayo ng AWS na otomatikong nagpapadala ng impormasyon sa isang central server na magpapaskil naman ng datos sa website kada 15 minuto.

Makikita ang mga impormasyon sa site na PREDICT o Philippine Real-Time Environment Data Acquisition and Interpretation for Climate-Related Tragedy Prevention and Mitigation. Mapupuntahan ito sa pamamagitan ng http://202.90.128.12/predict/stations.php. (CLJD/JMG-PIA3)


Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters