Tagalog News: Mga response team ng Gitnang Luzon, sinanay sa water rescue

By Jose Mari Garcia

Wednesday 23rd of May 2012
LUNGSOD NG BALANGA, Bataan, Mayo 23 (PIA) -- Daan-daang rescuer mula sa iba’t ibang bahagi ng Gitnang Luzon ang nagtipon kahapon sa bayan ng Mariveles upang magsanay sa water search at rescue na ayon sa isang mataas na lokal na opisyal ay magpapaigting sa tiwala ng mga mamamayan tuwing may sakuna.

Tinatayang 20 rescue team ang nagsanay gamit ang kanilang mga bangkang goma, life vest, at oxygen tank para sa taunang Water Search and Rescue Simulation Exercise (WASAR SimEx) sa pangunguna ng Office of Civil Defense (OCD)-Region 3.

Sinabi ni Mariveles mayor Jesse Concepcion na hindi lang kooperasyon ng mga grupo ang napalakas sa pagsasanay kundi ang mas mahalaga ay ang tiwala ng mga sibilyan sa lokal na disaster management team sa panahon ng kalamidad.

Sa isang panayam, sinabi ni Concepcion na lalaki ang tiwala ng kanilang mga kababayan sa mga rescuer dahil sa mga paghahandang kanilang ginagawa.

Pinangunahan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ng Mariveles ang Incident Command Post (ICP) na nagbigay atas sa mga rescue team sa iba’t ibang aktibidad hinggil sa pagliligtas ng buhay.

Inihalintulad ang tabing dagat ng bayan sa isang baha na dulot ng isang tropical storm signal #2 at naging dahilan ng pagkawala ng 20 hanggang 30 tao.

Dahil dito, humingi ng tulong ang Mariveles MDRRMC sa mga kalapit na rescue team. Nagbigay suporta naman ang mga grupo mula sa Lungsod ng Balanga at sa Probinsya ng Bataan; Probinsya ng Pampanga; mula sa Subic Bay Metropolitan Authority; Probinsya ng Tarlac; mula sa Bulacan ay ang Marilao, Calumpit, Sta. Maria, Pulilan, Lungsod ng San Jose Del Monte at ang pamahalaang panlalawigan; at rescue team mula sa mga lungsod ng Palayan at Cabanatuan, Nueva Ecija.

“Nais nating itatag ang Incident Command Post para tuwing may kalamidad, alam ng bawat lokal na disaster management team ang gagawin upang hawakan ang sitwasyon,” ani OCD-3 director Josefina Timoteo.

Tungkulin ng ICP na manduhan ang mga grupo sa boat operation, lifesaving, at medical treatment na dapat kumpleto tuwing may sakuna.

“Napakadali ng koordinasyon sa mga team dahil taun-taon ginagawa ang pagsasanay na ito. Lagi kaming nakahanda,” ani Engr. Dennis Mariano, pinuno ng Balanga City Public Safety Office. (CLJD/JMG-PIA3)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters