Tagalog news: 150 kasapi ng 4Ps nabigyan ng “scholarship”
LUNGSOD NG DAGUPAN, Hunyo 23 (PIA) -- Isangdaan at limampung mga kasapi sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang napabilang sa Students Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (SGPPA) ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad o DSWD sa Rehiyon Uno.
Ayon kay Allan Lulu, information officer, layunin ng SGPPA na makapagbigay ng tulong pinansiyal sa mga miyembro ng 4Ps para matulungan silang makaahon sa kahirapan.
Dagdag niya, ito ay upang maparami ang bilang ng mga makakapagtapos ng kolehiyo nang sa gayon ay dumami ang mga may hanapbuhay at makaahon sa kahirapan.
Upang maging iskolar ng SGPPA, ang isang aplikante ay kinakailangang nakatapos ng hayskul, may gulang na hindi hihigit sa 30 taon, at naipasa ang mga kinakailangan para makapasok sa kolehiyo gaya ng “entrance” eksam.
Ang mga napiling iskolar ay tatanggap ng P60,000 bawat taon o P30,000 bawat semestre na kanilang gagamiting pambayad ng “tuition fee” at iba pang gastusin. Bilang kapalit, ang mga iskolar ay dapat na makakuha ng matataas na marka.
Sa Rehiyon Uno, dalawang paaralan ang tinukoy ng DSWD na maaring pasukan ng mga iskolar. Ito ay ang Don Mariano Marcos Memorial State University (DMMSU) sa siyudad ng San Fernando, La Union, at ang Mariano Marcos State University (MMSU) sa siyudad ng Batac, Ilocos Norte.
Ang mga iskolar ay maari lamang kumuha ng kurso sa “information technology,” “agriculture and related arts,” “education,” “engineering,” “health and sciences,” “arts and humanities,” “atmospheric science,” at “environmental science.” (JCR/AMM/PIA 1 Pangasinan kalakip ang ulat mula sa DSWD)
Number of Comments: 0