Tagalog News: Mga manggagawa binigyan ng proyektong pangkabuhayan
LUNGSOD NG LAOAG, June 6 (PIA) -- Mahigit kalahating milyong piso ang iginugol ng Department of Labor and Employment o DOLE katumbas ng proyektong pangkabuhayan para sa mga maralitang manggagawa sa Ilocos Norte.
Ang mga proyektong ito ay binubuo ng mga Swine Raising Project, Goat Raising Project, at pagbili bangka at iba pang mga gamit sa pangingisda.
Kabilang sa mga nabigyan ng benepisyo ay ang mga magsasaka, mangingisda, at mga mahihirap na pamilyang naapektuhan ng Bagyong Mina.
Ayon kay Leonavella Dadiz ng DOLE sa Ilocos Norte, ang pagkakaloob ng kanilang opisina sa mga nasabing proyekto ay naglalayong matulungan ang mga manggagawang walang regular na pinagkakakitaan.
Ang Swine Raising project na nagkakahalaga ng P112,000 ay ipinagkaloob ng DOLE sa Pinili Elimination Child Labor in the Tobacco Industry (ECLTI) at Beneficiary Association sa Pinili, Ilocos Norte.
Samantala, ang Goat Raising project naman na may halagang P210,000 ay naipagkaloob sa mga maralitang biktima ng Bagyong Mina sa Dingras, Ilocos Norte.
Ibinigay naman sa grupo ng mga mangingisda sa Saud-Paratong Fishermen Association sa Badoc, Ilocos Norte ang mga bangka at iba pang gamit sa pangingisda na nagkakahalaga sa P202,118.
“Ang mga ito ay makatutulong para pandagdag sa kanilang mga kita at para magkaroon sila ng mapagkakakitaan” sinabi ni Dadiz.
Sa kabuuan, may 259 na mga manggagawa sa Ilocos Norte ang nabiyayaan ng nasabing mga proyekto.
Pinangunahan ni Dir. Grace Y. Ursua ang pamamahagi ng mga proyekto sa mga benepisyaryo noong Ika-25 ng Mayo sa munisipyo ng Pinili sa Ilocos Norte at sa mismong opisina ng DOLE sa Laoag City. (ANL/CJD-PIA 1 Ilocos Norte)
Number of Comments: 0