Tagalog news: La Union police nagbigay ng ‘educational assistance’ sa mga batang mahihirap sa LU

By Monette H. Herrera

Thursday 12th of July 2012
LUNGSOD NG SAN FERNANDO, La Union, Hulyo 13 (PIA) -- Ang La Union Provincial Police Office (LUPP0) ay nagbigay ng libreng "educational assistance" sa tatlumpung batang kabilang sa mahihirap na pamilya sa probinsiya sa pamamagitan ng kanilang proyektong "Batang Mahirap: Edukasyon Mo, Sagot Ko”.

Sa isang panayam, sinabi ni Police Chief Inspector Marlon Paiste na ang proyektong ito ay may layuning tulungan ang mga bata upang ipagpatuloy at pahalagahan ang kanilang edukasyon para sa hinaharap.

Bawat benepisiyaryo ng proyekto ay nagsumite ng katibayan na sila ay mahirap mula sa kanilang punong barangay at kaukulan mula sa municipal social welfare development officer bago sila tumanggap ng kanilang kagamitan sa paaralan, aniya.

Ilan sa kagamitang kanilang nakuha ay uniporme sa paaralan, sapatos, puting medyas, kapote, payong , writing pads, kuwaderno, krayola, lapis, tsinelas, school bag at iba pa.

Ang pagbibigay ng kagamitan ay sinaksihan ng isa sa tagapagtaguyod ng proyekto na si La Union Vice Gov. Augusto ‘Aureo’ Q. Nisce na siya ring nagsilbing guest speaker.

Dagdag ni Paiste, na ang kanilang ‘personnel’ ay kinakailangang mag ‘extend’ sa pagbibigay ng pinansiyal na lingguhang tulong sa mga bata bilang bahagi ng kanilang Police Community Relations program.

Mula sa naturang programa, binigyang diin ni Senior Supt. Ramon Purugganan, LUPPO provincial director ang kahalagahan ng edukasyon ng mga bata at kabuluhan ng ‘partnership’ o ugnayan sa pagitan at gitna ng PNP personnel at komunidad sa pagsugpo ng krimen.

Sa kabilang banda, hinikayat ni Nisce ang mga benepisiyaryo na ipagpatuloy ang kanilang edukasyon at tapusin ito upang magsilbing katungkulan para matupad ang kanilang pangarap sa hinaharap.

Gayundin, hinimok niya ang mga magulang ng mga benepisyaryo na patuloy nilang patnubayan at suportahan ang kanilang mga anak at bigyang papuri ang pagsisikap ng kapulisan sa pamamagitan ng pagtulong sa kanilang anti-crime campaign.

Ang proyektong ‘Batang Mahirap: Edukasyon Mo, Sagot Ko” ng LUPPO ay pang-anim na taon na ngayon na nagsimula noong June 2007. (JCR/MHH-PIA 1 La Union at may kaakibat na ulat mula sa LUPPO)







Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters