Tagalog News: DepEd Surigao Sur handa na sa pagbubukas ng klase ngayong araw
TANDAG CITY, Surigao del Sur, Hunyo 4 (PIA) -– Ang unang pagbubukas ng klase ngayong araw, Hunyo 4 ay ang unang araw rin ng pagpapatupad ng K to 12 program ng Department of Education.
Nauna nang naipahayag ni DepEd Surigao del Sur Division Superitendent Fe Cabatuan sa pakikipanayam sa Radyo ng Bayan Tandag na nakahanda na ang lahat para sa pagbubukas ng unang araw ng klase ngayong araw. Ito'y sa pamamagitan ng “Brigada Eskwela” at pinapatawag na Management Conference (ManCom) kung saan tampok ang usaping paghahanda sa pagpapatupad ng K to 12 program.
Ayon kay DepEd Information Officer Imelda Falcon noong Biyernes, nangangalahati pa raw ang populasyon na nagpapaenrol sa Jacinto P. Elpa National High School, ang may pinakamalaking populasyon ng mga mag-aaral dito sa siyudad. Naniniwala naman si Falcon na siyang punong guro ng nasabing paaralan na madadagdagan pa ang mga estudyante na magpapaenrol sa mga darating na mga araw.
Sinabi naman ni Supt. Cabatuan na patuloy pa ring tumatanggap ng mga estudyante na hindi nakapagpapaenrol nitong nakaraang linggo sa lahat ng mga pampublikong paaralan dito. Ito'y gagawin tuwing recess o di kaya pagkatapos ng klase upang hindi ito makakaabala. (RER/NGBT - PIA 13, Surigao del Sur)
Number of Comments: 0