Katayuan ng mga proyektong PAMANA sa Agusan del Sur, inilahad
AGUSAN DEL SUR, Agosto 1 (PIA) -- Iprinesenta kay Agusan del Sur Gob. Adolph Edward Plaza ng mga akreditadong non-government organizations (NGOs) ang katayuan ng mga proyekto sa ilalim ng Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) na ipinatupad sa Agusan del Sur.
Ito ay bahagi ng proseso ng pagsusuri kung paano ang mga proyekto ay nakapagsilbi sa komunidad kung saan ito ay ipinatupad.
Ang unang proyekto na naipresenta ay ang Sta. Irene - La Purisima-Gacub, farm-to-market road (FMR) sa Prosperidad, Agusan del Sur, na may kabuuang gastos na P2.25 milyon.
Ayon sa pagsusuri at pagsisiyasat ng Agusanon Para sa Bag-ong Pilipino (AGUS-PINOY), isang NGO, ang FMR ay mayroong bitak sa kongkreto sa gilid nito, habang mayroong bahaging naanod dahil sa malakas na ulan.
Ayon sa ulat, sinabi ng mga motorsiklista na ang sitwasyon ng kalsada ay mas mahusay ngayon kung ikumpara noong mga nakaraang taon ng ito ay hindi pa nagawa pero dapat makompleto ito hanggang Gacub upang ang paglalakbay ay magiging mas madali at mas kumportable.
Subalit ayon sa ulat na sinang-ayunan ni Gov. Plaza, ang pondong inilaan sa proyektong ito ay limitado lamang sa 1,040 linear meters (l.m.) mula sa Sta. Irene, habang ang natitirang bahagi ng daan ay hindi pa naka-iskedyul.
Sa bandang cohesion survey, ang konstruksiyon at rehabilitasyon sa nasabing daan ay talagang natugunan ang pangangailangan ng mga tao sa lugar na pinatunayan ng 95 porsiyento na mga respondents matapos ang survey. Sa kasalukuyan, inaayos din ng Provincial Engineering Office ang mga daang sira.
Sa parteng Bitan-agan - Lucac FMR sa bayan ng San Francisco na may kabuuang gastos na P2.25 milyon din, iniulat ng People’s Alternative Center for Environmental and Sectoral Services, Inc., isang NGO, may mga kaunting mga depekto na nakikita tulad ng mga bitak sa bukana ng mga kanal, at ilang bahagi ng daan ay naanod dahil sa malakas na ulang nagdaan. Subalit ang pangkalahatang kondisyon ng naturang FMR batay sa survey, ito ay maganda.
Sa kasalukuyan, may ilan pang mga proyekto nga PAMANA ang patuloy pang ginagawa upang matugunan ang pangangailangan ng mga tao sa mga lugar na may problema tungkol sa kapayapaan. (DMS--PIA 13, Agusan del Sur)
Number of Comments: 0