Tagalog news: Gov. Plaza namahagi ng mga school desks
AGUSAN DEL SUR, Hulyo 5 (PIA) -- Binigay ni Agusan del Sur Governor Adolph Edward Plaza noong kamakailan ang mahigit 5,000 school desks sa Department of Education (DepEd) at kinumpirma ang 267 iskolar ng pamahalaang panlalawigan ng Agusan del Sur (PGAS) para sa taong 2012-2013.
Ang pagbigay ng school desks at ang pagkumpirma sa mga iskolar ay ginanap noong buksan ang pagdiriwang ng ika-114 araw ng kasarinlan at ng Naliyagan Festival, kung saan daan-daang tao ang lumahok at nakibahagi sa pinagsanib na pagdiriwang.
Ang mga school desks na gawa sa kahoy na galing naman sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay mula sa mga nakumpiskang troso at tabla. Ayon kay Plaza, gumastos ang pamahalaang panlalawigan ng higit kumulang sa P3 milyon para sa paggawa at iba pang mga materyales upang magawa upuan ang nakumpiskang troso at tabla.
"Ang pagsisikap na ito ng pamahalaang panlalawigan ay hindi dito nagtatapos. Mayroon pang naiwang mga troso at tabla na maaaring gamitin upang gumawa ng mga school desks para matugunan ang suliranin ng kakulangan ng mga school desks sa ating mga paaralan. Ako ay sumasamo sa DepEd na pagbutihin ang pangangalaga sa mga school desks upang ito ay tumagal at magamit ng mas maraming mga bata sa paaralan at ng sila ay maging komportable sa kanilang pag-aaral,” sabi ni Gob. Plaza.
Matapos maibigay ang mga upuan, iniharap ni sangguniang panlalawigan at chairman ng komite ng edukasyon Cesar Alonde ang 267 na mga iskolar ng pamahalaang panlalawigan sa daan-daang mga tao na nakibahagi sa pagdiriwang.
"Sa pamamagitan ng kapangyarihang iniatang sa akin ng batas, kinukumpirma ko ngayon kayong mga iskolar ng panlalawigang pamahalaan. Kaya hinihikayat ko kayo na panatilihin ninyo ang inyong mga grado at ng inyong matatamasa ang biyaya ng pagiging iskolar at alam ko na alam na alam ninyo kung ano ang inyong mga responsibilidad upang maging karapat-dapat na iskolar. Dapat din ninyong pasalamatan ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ng ating bise Gobernador Santiago Cane Jr. sa pagtatakda ng pondo para sa scholarship," sabi ni Plaza.
Ang mga iskolar, ayon kay Plaza, ay ang mga bagong nagtapos ng high school na papasok sa kolehiyo, at ang panlalawigang pamahalaan ay nagpaplano pa upang madagdagan ang bilang ng mga iskolar mula 267 taon na ito hanggang 600 sa susunod na taong 2013-2014. (RER/DMS/PIA 13-Agusan del Sur)
Number of Comments: 0