Tagalog news: Administrasyong Aquino determinadong palakasin ang pundasyon ng agrikultura sa bansa
BUTUAN CITY, Agosto 7 (PIA) -- Ang pamahalaan ay determinadong palakasin ang pundasyon ng agricultura sa bansa ani Pangulong Benigno S. Aquino III sa kanyang mensahe na inihatid ni Mindanao Development Authority (MinDA) chair Sec. Luwalhati Antonino.
Ito ay sinabi ng Pangulo sa mensaheng binasa ni Sec. Antonino sa pagtatapos ng 21st Mindanao Business Conference na ginanap kamakailan sa isa sa mga lokal na hotel dito.
Ayon sa Pangulo, ang Mindanao ay pangunahing pinagmumulan ng mga produktong pang-angrikultura at ang karagdagang pagpapalawak ng produksyon ng agrikultura ay magiging daan upang tumaas at maging dekalidad ang mga produkto, at mas competitive agri-business, mas malawakang pinagmumulan ng agrikulturang produkto, at sa huli masisiguro natin ang seguridad ng pagkain ng mga Pilipino.
“Kaugnay nito, kami ay determinadong palakasin ang proteksyon na kinakailangan ng kalikasan at integridad ng lupain,” ani Aquino.
Samantala, binigyang diin din ng Pangulo ang Executive Order 79 na susuporta sa sustainable growth ng sektor ng pagmimina. Aniya, ang kautusan ay naglalayong magtayo ng gabay at reporma na sumisiguro sa proteksyon ng kalikasan, at nag-uutos sa responsableng pagmimina sa lahat ng mining enterprises.
“Ang proseso na ating natamo ay maisasakatuparan lang kung ang ating mamamayan at ang mga sumusunod na henerasyon ng Pilipino ay aani sa mga benepisyo na ginawa natin ngayon,” ani Pangulong Aquino.
Dagdag din ng Pangulo na sa paglalagay ng flagship program, aniya, ang pamahalaan ay pinagtitibay din ang kanilang pangako: “on the straight and righteous path, and no one is left behind.”
Sa katotohanan nito, sinabi ni Pangulong Aquino na ang pamahalaan ay patuloy na nililinis ang burukrasya upang mawala ang kurapsyon at ang mga hindi makatotohanan sa pamahalaan at komunidad. Idinagdag din ng Pangulo na ito ay nakamit sa pamamagitan ng pagsisikap ng pamahalaan sa pagtatayo ng mga negosyo “upang masiguro ang social justice, security, at market stability na maging negosyo.”
"Ang pagsisikap ninyo na gumawa ng lugar para sa trade, commerce, at ang kaalaman na maging maunlad ay nagpapahiwatig sa pananaw ng makatotohanang paglago ng ekonomiya at kaunlaran, hindi lang para sa business players at enterprises, kundi pati na ang pagkapantay-pantay ng mga tao sa Mindanao,” ani Pangulong Aquino.
Dahil dito, ang chief executive ng bansa ay nananawagan sa lahat ng partisipante, kahit ano man ang kanilang mga trabaho o mga paniniwala, political affiliation at economic stance, religion o race na tumayo at magkakapit-bisig kung saan sila ay hahakbang diretso sa tamang landas patungong pantay na paglago.
“Tayong lahat ay nakikipagsapalaran sa Mindanao, at sa Pilipinas na mas patas, payapa, at mas progresibo. Binubuksan na po namin ang kawalan ng pag-asa na minsan ay humahati sa ating bansa. Ngayon, hinaharap po natin ang araw ng oportunidad, ang kaayusan sa ipinangakong lugar,” ani Pangulo.
Ang Mindanao Business Conference ay isang oportunidad para sa mga ahensya na magsalita sa iisang boses sa pinaka importanteng economic policy concerns kung saan itatampok ang aktibidad sa pormal na presentasyon ng Mindanao Business Policy Agenda sa tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas.
Ito ay magsisilbi rin na official business conference ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) para sa Mindanao at isa sa pinakamalaking PCCI business conference na naaayon sa numero ng mga partisipante, senior business leaders, miyembro ng chambers of commerce, government policymakers, investors at foreign trading partners. (RER/DSM/PIA-Caragab)
Number of Comments: 0