Tagalog news: Anti-illegal task force ng pamahalaan nangakong ititigil ang operasyon ng illegal logging sa Caraga

By Danilo S. Makiling

Friday 13th of July 2012
BUTUAN CITY, Hulyo 13 (PIA) -- Dahil sa patuloy na operasyon ng illegal logging sa rehiyon ng Caraga, nangako ang Anti-Illegal Logging Task Force ng bansa na paiigtingin nila ang kanilang kampanya laban dito.

Ito ang sinabi ni retired MGen. Renato Miranda, hepe ng task force na binuo ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa pamamagitan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa isang panayam sa radio program dito.

Sinabi ni Miranda na sila ay nandito sa rehiyon hindi lang upang itigil ang operasyon ng illegal logging kundi pati na rin ang pagplano kung paano nila gagawan ng legal na pangkabuhayan ang mga taong sangkot sa illegal logging.

Dagdag ng opisyal na dahil sa talamak na operasyon ng illegal logging sa rehiyon, kailangang ang lahat ng ahensya, pampubliko man o pribado ay mag-ugnayan at bigyan ng sapat na atensiyon ang problema, dahil kung ito ay hindi maresulba ito ay magdudulot din ng dilubyo sa ilang lugar sa panahon ng kalamidad.

“Sa ngayon ay talagang dapat bigyan na ng kaukulang atensiyon ng mga taga-Caraga ang mga illegal logging operations na nangyayari dito … at hindi lang sa paghuli at pag-confiscate ng kahoy, but more importantly ang pagplano kung paano natin mabibigyan ng development ang mga kaibigan natin na nakatira sa kabundukan … alam naman natin na hindi talaga matatapos ito kung ang tingin nila sa mga kahoy ay pambili ng gamot, pagkain at iba pa,’ ani Miranda.

Dahil dito, sinabi ni Miranda na ang mga taong ito ay kailangan na mabigyan ng legal na kabuhayan. Sinabi din niya na ito ay mangyayari lang kung ang lokal na pamahalaan ay susuporta.

Aniya, nakipag-usap na ang kaniyang tanggapan sa mga lokal na opisyal ng probinsya ng Agusan del Sur at nasa pinal na proseso na ang planong pagbibigay ng pangkabuhayan sa mga taong nasa lugar.

Samantala, sinabi ni Miranda na ang iginiit ng kalihim ng DENR na si Ramon Paje na ang kampanya laban sa illegal logging at corruption ay nananatiling top priority ng administrasyong Aquino.

Noong nakaraang linggo naman ay lumipat na ang Anti-illegal task force ng Metro Manila dito upang magsagawa ng imbestigasyon sa illegal logging sa rehiyon pati na ang pagpapaigting sa kampanya ng pamahalaan laban sa illegal logging. (RER/DSM, PIA-Caraga)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters