Tagalog news: PIA-Caraga nagsagawa ng kampanya para sa renal health care, prevention
BUTUAN CITY, Hunyo 14 (PIA) – Bilang suporta sa pagdiriwang ng Kidney Month ngayong buwan ng Hunyo, nagsagawa ang tanggapan ng Philippine Information Agency (PIA) sa rehiyon ng Caraga ng isang kampanya para sa renal health care at prevention.
Sa isinagawang taping kahapon ng espesyal na episode ng "Caraga in Focus," isang TV program ng PIA-Caraga Region, tinalakay ni Dr. Romina Rusillon, isa sa tatlong nephrologists sa rehiyon, ang mga bagay na kaugnay sa renal health care at prevention.
Binigyang diin ni Rusillon na pinalalakas ng pamahalaang nasyonal ang kampanya nito para sa renal health care at prevention sa pamamagitan ng Renal Disease Control Program (REDCOP).
Sinabi rin nito na sa pamamagitan ng kampanya, inaasahang mas dadami ang mga taong mabibigyan ng kaalaman sa pag-iwas at kung paano nila pangangalagaan ang renal health lalo na ang renal disease na kinokunsidira bilang isa sa top 10 killer diseases sa Pilipinas.
Ayon kay Delma Legaspi ng Department of Health – Center for Health Development (DOH-CHD) Caraga, ang kidney disease ay ika-pito sa 10 killer diseases sa Pilipinas na sanhi sa pagkamatay ng mahigit sa 7,000 na Pilipino bawat taon.
Ipinaliwanag din ng opisyal na ang kidney disease kagaya ng diabetic kidney disease, chronic glomerulonephritis, hypertensive kidney disease, at chronic at paulit-ulit na kidney infection (pyelonephritis) ay madalas na nagiging end-stage renal disease dahil na rin sa kawalan ng kaalaman sa pag-detect ng nasabing sakit sa lalong madaling panahon.
Ipinaliwanag ni Rusillon na ang chronic glomerulonephritis (CGN) ay isa sa mga karaniwang sanhi ng end-stage renal disease sa mga progresibong bansa katulad ng Pilipinas. Sinabi rin niya na karaniwang naaapektuhan nito ay mga bata, adolescents, at mga young adults sa kanilang productive years.
Ang mga kabataan at ang mga may sapat na gulang na mayroong glomerulonephritis ay maaaring hindi ma-detect sa loob ng buwan o taon, na sanhi ng pagiging progresibo nito sa pagiging chronic stage.
Sinabi rin ni Rusillon na bawat isa ay kailangang mag-ingat sa pamamagitan ng pagsagawa ng regular na konsultasyon sa mga doktor at dapat dumaan sa pagsusuri sa ihi.
Isa sa pamamaraan upang maiwasan ang nasabing sakit ay sa pamamagitan ng pag-inom ng anim hanggang walong basong tubig kada araw, ani Legaspi.
Dagdag ni Rusillon, sa pamamagitan ng pag-inom ng maraming tubig, maaaring mawala ang mga bakterya na nasa loob ng ating katawan. “Ngunit, kailangan din na ang publiko ay uminom ng maraming likido, lalo na ang tubig,” aniya.
Ang Caraga in Focus ay dinaluhan ng 22 local tri-media sa syudad. Ang pagdiriwang ng Kidney Month ngayong taon ay may temang “IKaw at ako, Panalo sa Malusog na Bato.” (RER/NLM/Danilo S. Makiling/PIA 13-Caraga)
Number of Comments: 0