Tagalog News: Kaso ng dengue bumaba ng 19% sa Caraga

BUTUAN CTY, Hunyo 7 (PIA) -- Bahagyang bumaba ng 19 porsyento kung ikukumpara sa parehong quarter ng nakaraang taon
ang kaso ng dengue sa rehiyon.

Ayon kay Sunshine Alipayo, DOH Center for Health Development (CHD)-Caraga regional information officer, patuloy na mino-monitor ng Department of Health (DOH) ng rehiyon ang mga kaso ng dengue lalo na't padating na ang panahon ng tag-ulan.

Aniya, simula noong Enero 1 hanggang Hunyo 2 ngayong taon, ang kagawaran ng kalusugan sa rehiyon ay nakatala ng 372 na kaso ng dengue kumpara sa 461 na kaso sa nakaraang taon.

Sinabi ng opisyal na ito ay dahil sa malawakang pagmomonitor ng DOH-Caraga, pati na ang pakikipag-tulungan ng mga ahensya ng gobyerno at mga pribadong organisasyon.

Sa kabuuang bilang ng kaso ngayong taon, ang Surigao City ang napag-alamang may pinakamataas na numero sa kaso ng dengue na umabot sa 94. Ito ay sinundan ng Surigao del Norte na may 78 na kaso, Agusan del Sur - 51, Butuan City - 9, Province of Dinagat Islands - 9, at Cabadbaran City - 8 kaso.

Sa mga kasong ito, ani Alipayo, 43 porsyento dito ay pawang kabataan na may edad 1-10 na taon at 60 porsyento dito ay pawang mga kalalakihan.

Idinagdag din ni Alipayo na kinakailangang palakasin ang “Aksyon Barangay Kontra Dengue” (ABKD), isang programa ng pamahalaang nasyonal. Aniya, kung ang mga tao sa barangay ay gagalaw para sa implementasyon ng programa at aksyon laban sa dengue, “darating ang oras na wala nang maitatala na kaso ng dengue sa bansa.”

Base sa memorandum circular 2012-16 ng Department of the Interior and local Government (DILG) na pinalabas noong Enero 30 ng taong kasalukuyan, lahat ng mga city mayor o municipal mayor ay makikiisa sa paggawa ng batas at ordinansang kakatawan sa pagpigil ng dengue, at sa pagbibigay ng pondo sa dengue prevention and control na naaayon sa nasyonal at lokal na regulasyon.

Ang ABKD ay isang inter-agency cooperative strategy kung saan ang pamhalaan ay responsable sa pagtataguyod ng laban sa dengue outbreak at para rin pababain ang kaso ng dengue at ang pagkokontrol ng pagsalin ng nasabing sakit.

Isa sa mga inisyatibo ay ang paggawa ng Ovicidal/Larviciadal Trap System (OL-Trap) para sa Aedes Mosquito. Ito ay isang device na tumbler, na may strips ng plywood, at pellets. Ang OL trap ay nakakadetek ng Aedes mosquito at aaksyon bilang maaagang warning signal para sa pag-iwas sa dengue outbreaks.

Sa isang banda, bilang suporta sa ABKD program, ang batch 1970 ng Agusan National High School (ANHS) ay nag-iimplementa ng kampanya upang labanan ang dengue.

Ayon kay Carlito Kho, class president at Mindanao Regional Operations Manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na nakibahagi sila sa pagtulong sa paglaban sa dengue kaagapay ng nasyonal na pamahalaan.

Idinagdag din niya na halos lahat ng kanilang batchmates ay dumalo sa distribusyon ng anti-dengue spray chemicals para sa dalawang malalaking paaralan sa dito: ANHS at Butuan Central Elementary School (BCES) bilang parte sa preparasyon sa pagbubukas ng klase.

Ang programang “Brigada 70 Kontra Dengue,” ay parte sa community extension service ng class 1970 sa premyadong public high school ng rehiyon. (RER/NCLM-PIA Caraga)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters