Tagalog News: NFA namigay ng organic fertilizers sa mga magsasaka
BUTUAN CITY, Hunyo 1 (PIA) -- Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng synthetic fertilizers at sa epekto nito, ang National Food Authority (NFA) kasama ni Administrator Lito Banayo ay namigay ng organic bio-fertilizers sa mga magsasaka ng palay, galing sa iba't-ibang barangay na ginanap kamakailan lang sa Libertad National High School Covered Court ng siyudad.
Ang mga benepisaryong magsasaka ng barangay Dumalagan, Pinamanculan, kinamlutan, Bancasi, San Vicente, Bit-os, Villa Kanangga, Bonbon, Doongan, Ambago, Bayanihan, Nongnong, at Bitan-agan ang nakatanggap ng “Nitro-Fix” organic bio-fertilizers.
Ayon kay Banayo, ang pagsasaka ay importante sa bansa. Ang organikong pagsasaka ay isa rin sa mga prayoridad na programa ng Pangulong Benigno S. Aquino III.
“Ito ang dahilan kung kaya’t dapat nating bigyan ng kalinga ang ating mga sakahan. Hinihimok din namin ang ating mga magsasaka na gumawa ng organikong pagsasaka,” ayon kay Banayo.
Binigyang diin din ni Banayo na ang paggamit ng organikong fertilizers ay makakatulong sa mga magsasaka na makatipid kaysa paggamit ng synthetic fertilizers.
“Kung tataas ang presyo ng gasolina, tataas din ang presyo ng synthetic fertilizers at maaapektuhan nito ang pagsasaka,” aniya.
Maliban sa pamimigay ng bio-fertilizers sa mga magsasaka ng palay, binigyan din ang mga magsasaka ng panahon na sabihin ang kanilang mga problema sa pagsasaka kay Administrator Banayo, kasama ng mga opisyal ng National Irrigation Administration (NIA) Caraga, at ang Suma Biotechnologies Incorporated.
Dadaluhan din ni Banayo ang distribusyon ng bio-fertilizers sa mga magsasaka ng palay sa Barangay ng Baobaoan, Taguibo, Sumilihon, Ampayon, Antongalon, Baan, Banza, Mahogany, Maug, Bobon, Cabcabon, at Tiniwisan. Ito ay gaganapin sa barangay Los Angeles sa umaga at sa Barangay Sto. Niño sa hapon ng Hunyo 1.
Nagyong Hunyo 6 naman si Banayo ay muling mamimigay ng bio-fertilizers sa mga magsasaka sa barangay ng Aupagan, Mahay, Salvacio, Pigdaulan, Camayahan, Buhangin, Taligaman, Basag, at Lemon, at ang distribusyon ay gaganapin sa barangay Tagabaca.
Samantala, nagpasalamat si Vincent Rosario, barangay captain ng barangay Libertad kay Banayo dahil sa pagsisikap nitong mabahagi-an ang mga magsasaka ng bio-fertilizers sa iba't-ibang barangay ng syudad.
“Siguradong makakatulong ito sa mga magsasaka upang mapaunlad nila ang kanilang sakahan at mapalaki ang kita nila dahilan sa magandang ani at dekalidad na produksyon. (RER/Danilo S. Makiling-PIA 13 Caraga)
Number of Comments: 0