By Catherine T. Apelacio
Monday 27th of February 2012GENERAL SANTOS CITY, Peb. 27 (PIA) -- Pinuri ng lokal na pamahalaan ang paglunsad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa programa nitong pinamagatang TESDA Specialista Technopreneurship o TSTP sa lungsod ng Heneral Santos nitong buwan ng Pebrero.
Binigyang diin din ni Kagawad Margareth Santos ang kahalagahan at kagandahan ng programa lalong lalo na para sa mga wala pang nakitang trabaho magpahanggang ngayon.
Aniya, ang programa ay mag-eenganyo pa sa iba upang magpursiging mag-aral sa TESDA o sa TESDA-accredited vocational schools nang sa ganoon sila may pagkakataon ding magkaroon ng naturang toolkits. Ang toolkits ay ginagawad lamang sa mga TESDA-trained and certified skilled workers.
Sa pagsisimula ng naturang programa sa GenSan, 20 benipesaryo ang mapalad napiling magawaran ng toolkits na magagamit sa ibat-ibang serbisyong makakatulong sa kanilang paghahanapbuhay.
Si TESDA-Sarangani-GenSan Provincial Director Maisalam Macarimbong mismo ang nagpresenta sa mga benipesaryo ng mga naturang kagamitan o toolkits.
Nakapaloob sa programa ang mga benipesaryo may hanggang anim na buwan na magamit ang naturang toolkits, nang sa gayon mahabang pagkakataon ang maari nilang igugol upang makahanap ng mga kliyente at karampatang kita.
Ayon kay Marie Chris Bunag, TSTP coordinator, ang toolkits ay magagamit sa sari-saring serbisyo tulad ng appliance repair, automotive repair, electrical repair, computer hardware repair, at iba pa na maaaring pagkakakitaan. (CTA-PIA General Santos City)