ARMM Central Rubber Nursery sa Basilan pinasinayaan

By Perlita D. Changco

Thursday 16th of February 2012

COTABATO CITY, Peb 16 (PIA) -- Bilang bahagi ng pagpupursige sa pag-angat sa kabuhayan ng mga mamamayan sa autonomous region pinasinayaan kamakailan ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Central Rubber Nursery ng Department of Agriculture and Fisheries (DAF) sa Sta. Clara, lungsod ng Lamitan.

 

Pinangunahan ni ARMM OIC-Regional Governor Mujiv Hataman ang pasinaya kasama sina DAF Secretary Sangkula Tindick, Basilan Provincial Agricultural Officer Dr. Rogelio Bahinting, Auditor Kiram Solaiman, Chief of Operations Kali Dimalen, Hadja Jalica Mangacop, at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Director Janice Musali.

 

Ayon kay DAF-ARMM Information Division Chief Dhigs Abdullah, kasabay ng pasinaya ang pamamahagi ng agri-fishery inputs sa mga kooperatiba at samahan ng mga magsasaka mula sa 12 bayan ng Basilan. Ang mga ipinamahaging tulong ay kinabibilangan ng 4,500 rubber seedlings, 58 sako ng certified seeds, 40 sako ng open-pollinated variety corn seeds, 231 pakete ng binhi ng pitong uri ng gulay, 20 set ng garden tools para sa 20 pilot Gulayan sa Paaralan, limang set ng cassava grater na may kasamang makina at presser, 25 set ng seaweed farm input, 25 unit ng gill net at 50 hook and line o bingwit na umaabot sa P874,000.00 ang halaga.

 

Ang pondong ginugol sa nasabing proyekto ay mula sa DAF, BFAR-ARMM, at programang Agri-Pinoy ng DA Central Office bilang suporta sa Agri-Pinoy Rice & Corn, High Variety Crops Development at fisheries program na isinusulong ni Gov. Hataman sa loob ng 100 araw mula nang siya ay umupo sa pwesto noong Disyembre 22, 2011, ayon kay Abdullah. (PDC-PIA Cotabato City/DAF-ARMM) 

Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters