Tagalog news: DTI-SoCot pinaigting ang monitoring ng mga ipinagbibiling motorcycle helmet

KORONADAL CITY, Aug. 16 (PIA) -- Lalo pang pinaigting ng Department of Trade and Industry (DTI) dito sa lalawigan ng South Cotabato ang kampanya para sa pagpapatupad ng RA 10054 o kilala rin bilang Motorcycle Helmet Act of 2009.

Ayon kay DTI-South Cotabato provincial director Flora Gabunales, puspusan umano ang kanilang ginagawang monitoring dito sa lalawigan sa lahat ng mga malalaking establisimento na nagpapabili ng mga motorcycle helmets na wala pang ICC at PS markings.

Kanila na lamang umanong hinihintay ang mga kawani ng Bureau of Product Standards na magsasagawa din ng inspection at rekomendasyon sa mga retailers kung ang kanilang ipinabibiling helmets na walang ICC at PS marks ay dapat bang i-pull-out sa mga retail outlets dito.

Mula ng sinimulan ng DTI-SoCot noong ikalawang linggo nitong buwan ng Agosto 2012 ang pagsusuri at paglalagay ng mga marka sa mga helmets na nabili na ng mga motorista, umabot lamang umano sa mahigit 68 na mga indibidual ang nagsumite ng kanilang helmets para sa pagsusuri at paglalagay ng karampatang stickers.

Ang mababang turnout ng mga aplikante ayon kay trade and industry specialist Elbert G. Capecio ay dala umano ng palugit na ipinag-utos ng Kalihim ng Department of Transportation and Communication (DOTC) ng buong pagpapatupad ng Motorcycle Helmet Act. Ito ay naitakda sa Disyembre 31, 2012.

Sa ngayon, wala pang bayad ang pagkuha ng PS at ICC stickers. Paalala ni Capecio may bayad na ito simula sa Setyembre 1.

Dahil sa mababang turnout, muli na namang nanawagan ang DTI-SoCot sa mga motorista na habang maaga pa ay ipasuri ang kanilang mga nabiling motorcycle helmets na walang PS at ICC sticker. (ac agad PIA12)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters