Tagalog news: Voters' re-registration sa ARMM handang-handa na
KORONADAL CITY, Hulyo 2 (PIA) -- Handang-handang na ang "voter’s re-registration" para sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), ayon kay Commission on Elections director Ray Sumalipao.
Pinayuhan ni Sumalipao ang mga nagnanais makapagparehistro na maagang magtungo sa mga presinto kung saan sila bumoto noong 2010 elections at dalhin ang mga kinakailanganing kaukulang mga papeles at dokumento para sa kanilang registration.
Ayon pa kay Sumalipao, hindi na umano sila magbibigay pa ng palugit para sa naitakdang "registration period" kung kaya't ipinapaalam nito sa mga botante na kung sakaling hindi makapagrehistro ang mga kuwalipikadong mga botante mula Hulyo 9 hanggang 18 nitong taon ay hindi na sila makakaboto sa halalan sa taong 2013.
Binalaan din ni Sumalipao ang mga nag-iisip na gumawa ng mga iregularidad gaya ng pamemeke ng kanilang mga papeles at mga "double registrants" upang makapagrehistro na huwag itong gawin dahil mayroon silang mekanismo upang ito ay mahuli.
Kaugnay nito, nagpahayag din ng suporta para sa rehistrasyon ang Parish Pastoral Council on Responsible Voting sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mahigit 500 mga volunteers na tutulong upang maging maayos ang naitakdang aktibidad. (ac agad PIA12)
Number of Comments: 0