Tagalog news: SEA-K beneficiaries sa Rehiyon 12, itinampok ang kanilang produkto sa trade fair
KORONADAL CITY, Hunyo 23 (PIA) -- Itinampok sa ginawang trade fair sa covered court ng tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga produkto ng mga benepisyaryo ng Self-Employment Assistance-Kaunlaran (SEAK-K) sa buong Rehiyon 12.
Ipinamalas ng mga SEA-K beneficiaries sa kanilang mga produktong corn chips, corn husk decors, water lily decors, loom-weaving products, T’nalak, preserved foods mula sa durian, saging, pineapple at cassava, at mga kagamitang ginawa mula sa mga recyclable materials gaya ng dyaryo at mga plastik, ang kanilang pasasalamat sa pamahalaan, lalo na sa DSWD at sa tanggapan ni Cotabato 1st District Congressman Jesus Sacdalan at South Cotabato 2nd District Representative Daisy Avance Fuentes na nagbigay ng pondo para sa kanilang proyekto.
Ayon kay Koronadal City SEA-K president Sunie Nualda, malaking tulong para sa kanilang mga miyembro ang pondong tulong mula sa pamahalaan para sa kanilang proyekto. Ang kanila umanong mga produkto ay nagbibigay din ng dagdag na pagkakakitaan ng kanilang mga miyembro.
Ang SEA-K ay isang sustainable livelihood program na ipinatutupad ng DSWD I2 sa ilang mga bayan sa lalawigan ng South Cotabato, Saranggani, Cotabato, at Sultan Kudarat at sa mga lungsod ng Tacurong, Koronadal, at Cotabato, katuwang ang ilang ahensiya ng pamahalaan.
Sa buong Rehiyon 12, umabot na sa P21,100,000 ang pondong inilabas ng DSWD 12 para sa SEA-K, ayon kay program specialist Michael L. Quinones.
Ang kabuuang pondong ito ayon kay Quinones ay kumakatawan sa 4th Quarter ng taong 2011. (ac agad-PIA12)
Number of Comments: 0