Tagalog news: Koronadal City Mayor hangad na maging host ng 2015 Palarong Pambansa
LUNGSOD KORONADAL CITY, South Cotabato, Mayo 15 (PIA) -– Kasunod ng pagtapos noong Sabado ng 2012 Palarong Pambansa sa Lingayen, Pangasinan, inihayag na rin ni Koronadal City mayor Peter Miguel ang hangarin ng Pamahalaang Panglungsod na maging host ng 2015 Palarong Pambansa.
Ayon kay Mayor Miguel, kasama din sa plano ng lokal na pamahalaan ang pakikipagtulungan sa Pamahalaang Panlalawigan ng South Cotabato na maging katuwang nito sa pagiging punong abala ng pambansang palaro sa pangatlong pagkakataon.
Matatandaang naging host ang South Cotabato at Koronadal City ng 1996 at 2007 Palaro.
Ayon kay mayor Miguel, malaki umano ang naitulong sa lungsod at sa lalawigan ng ginawang pagiging host nito ng mga nakaraang dalawang Palaro upang lalo pang makilala ang lugar sa buong kapuluan at maging sa buong mundo.
Sakali umanong palaring maging host ng 2015 Palaro, maaga umanong paghahandaan ng pamahalaang lokal ang pag-aayos ng mga paaralan sa Lungsod na gagamiting billeting quarters ng mga kalahok na delegasyon mula sa 17 rehiyon sa buong bansa.
Dagdag pa ni Miguel, ang kanyang personal umano na pagpunta sa venue ng Palaro ngayong taon ay nakatulong din upang kanyang makita at maayos na mapag-aralan ang iba pang mga hakbang para sa maayos na pagpapatakbo ng palaro sa darating na 2015 Palarong Pambansa. (ac agad PIA12)
Number of Comments: 0