KORONADAL CITY, Peb. 20 (PIA) – Bahagyang bumaba ang kaso ng krimen sa Lungsod ng Koronadal mula Enero a-1 hanggang Disyembre a-31, 2011 kumpara sa taong 2010 , ayon kay City police chief Supt. Michael Lebanan.
Sa isang panayam ng lokal na radyo, sinabi ni Lebanan na bumaba sa mahigit 20% ang krimen na nangyari sa Lungsod.
Ayon kay Lebanan, sa kanilang index crime report para sa taong 2011, nagtala lamang ng 248 crimes against persons and properties sa buong lungsod, kumpara sa 611 na insidente noong taong 2010.
Sa kabuuan, ang crime rate volume ng lungsod sa taong 2011 ay umabot lamang sa 416 na mga kaso at malayo umano ang agwat sa 1,309 na mga kaso sa nakalipas na taon.
Ang pagbaba ng kriminalidad sa lungsod, ayon kay Lebanan ay naabot ng kanyang pamunuan dahil sa pinalakas na kampanya laban sa kriminalidad at tuluy-tuloy na pagmo-monitor ng mga alagad ng kapulisan sa buong lungsod.
Sa kabila ng mababang insidente ng krimen noong nakalipas na taon, hiniling pa rin ni Lebanan ang patuloy na kooperasyon ng mga Koronadalenos upang mapanatiling payapa at maayos ang lungsod. (ac agad PIA12)