Tagalog news: Fruit, Vegetable, and Flower Park, itatayo sa Tupi, South Cotabato

By Danilo E. Doguiles

Monday 6th of August 2012
LUNGSOD NG KORONADAL, Agosto 6 (PIA) -- Balak itayo sa bayan ng Tupi, South Cotabato ang isang Fruit, Vegetable and Flower Park na siyang papalit sa babaklasing mga iligal na talipapa sa gilid ng national highway sa nasabing bayan.

Sa pulong ng technical working group nitong nakalipas na linggo, iprinesenta ng Provincial Engineering Office ang disenyo ng paunang gusaling nagkakahalaga ng P4 milyon at maaaring magamit ng mga miyembro ng Rural Fruit Vendors Association ng Tupi.

Balak gawing “stopover” ng mga turista sa South Cotabato ang naturang parke at magtatampok ng mga sariwang produkto ng lalawigan dahil gagawin din itong bagsakan ng mga produktong gulay, prutas, bulaklak ng mga magsasaka hindi lamang ng Tupi kundi pati na yaong nasa mga karatig na lugar.

Sa pagtatayo ng naturang pasilidad, naglaan na ang pamahalaang panlalawigan ng P1 milyong piso samantalang manggagaling naman sa grant mula sa Department of Agriculture ang P4 na milyon.

Sa kabuuan, nagkakahalaga ng P40 milyon piso ang naturang proyekto. Upang maisakatuparan ang naturang parke, balak ng pamahalaang bayan ng Tupi at pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato na mag-imbita ng mga pribadong mamumuhunan na maging katuwang sa pagpapaunlad ng naturang lugar. (DEDoguiles/PIA 12)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters