Tagalog news: Mayor ng Koronadal pinamamadali ang pagproseso ng lupain para sa bagong sementeryo
LUNGSOD NG KORONADAL, Timog Cotabato, Agosto 2 (PIA) -- Isinagawa nitong Hulyo 17 at 22 ang konsultasyon sa mga residente sa Purok Sto. Niño, Barangay Paraiso hinggil sa planong pagpapatayo ng bagong pampublikong sementeryo sa lungsod ng Koronadal sa naturang lugar.
Alinsunod ito sa kautusan ni Mayor Peter Miguel na madaliin ang pagpapatupad ng proyekto na isa sa kaniyang priyoridad sa 2012 at 2013 upang matugunan na ang malalang pagsikip ng kasalukuyang sementeryo sa lungsod.
Matatandaang naglaan ang lokal na pamahalaan ng P3 milyon para ibili ng lupain na tatayuan ng modernong sementeryo na ayon sa alkalde ay kapareho ng mga pribadong himlayan na kaya pa ring bayaran ng mga mahihirap na residente.
Balak ding pagandahin ng alkalde ang lumang sementeryo at gawing katulad ng public memorial park sa lungsod ng Tagum sa Davao del Norte.
Ayon naman kay Benito Quirao, pinuno ng City General Services Office at ng task force secretariat para sa nasabing proyekto, may kinokonsidera na silang tatlo at kalahating ektaryang lupain sa Purok Sto. Niño na angkop sa mga kahingian para sa naturang proyekto.
Matapos ang lot selection, dadaan ito sa appraisal bago pa bilhin at tuluyang pagtayuan ng bagong pampublikong sementeryo. (DEDoguiles/PIA 12)
Number of Comments: 0