Tagalog news: Allah River Irrigation System balik na sa serbisyo sa Agosto 1
LUNGSOD NG KORONADAL, South Cotabato, Hulyo 30 (PIA) -- Balik na sa serbisyo ang dalawang dam sa Allah River Irrigation System (RIS) sa South Cotabato at Sultan Kudarat sa Miyerkules, Agosto 1.
Kinumpirma ito ni Ramon Bugacia, inhinyero at hepe ng National Irrigation Administration (NIA) – South Cotabato na muli nang magpapalabas ng tubig ang mga dam ng Allah RIS sa Barangay Colonggolo, Surallah, South Cotabato at sa Barangay Bai Saripinang, Bagumbayan, Sultan Kudarat matapos ang tatlong buwan na walang tubig dahil sa isinasagawang rehabilitasyon sa mga patubig.
Subalit nilinaw ni Bugacia na bagama’t balik na ang serbisyo ng patubig sa Allah RIS, sa Disyembre ng kasalukuyang taon pa makukompleto ang kabuuang pagkukumpuni ng mga dam.
Matatandaang naglaan ang pamahalaang nasyunal ng P138 milyon para sa komprehensibong pagkukumpuni ng mga Allah RIS na kauna-unahang pagkumpuni nito mula nang nabuksan ito noong 1972.
Layon ng rehabilitasyon ang mapanumbalik ang kapasidad ng mga nasabing irigasyon. Bahagi ito ng programa ng Aquino administration na makamit ang food self-sufficiency at zero importation sa bigas.
Sakop ng Allah River RIS ang 12,046 na ektaryang palayan sa mga lalawigan ng South Cotabato at Sultan Kudarat na pinakikinabangan ng halos 9,000 magsasaka. (DED-PIA12)
Number of Comments: 0