Tagalog news: Legal na pag-uuling nilinaw ng DENR-12
LUNGSOD NG KORONADAL, South Cotabato, Hulyo 26 (PIA) -- Nilinaw ng isang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) 12 na hindi nila pinagbabawal ang pag-uuling hangga’t isinasagawa ito sa ilalim ng legal na paraan.
Sa isang pulong kasama ang medya ng South Cotabato at General Santos kamakailan, sinabi ni Geronimo Sequito, regional technical director for Protected Areas Wildlife and Coastal Zone Management Service (PAWCZMS), na kinikilala nilang isang mahalagang pangkabuhayan ang pag-uuling sa kanayunan.
Binigyang-diin ng opisyal na hindi bawal ang pagputol ng kahoy para sa paggawa ng uling kung ang mga puno ay nasa tituladong lupa o sa timberland na napagkalooban ng certificate of contract kung saan mayroon silang permisong mamutol ng kahoy.
Halimbawa dito ang mga lupaing isinailalim sa tree planting activity sa ilalim ng Kilusang Kabuhayan at Kaunlaran (KKK) Land Resource Management Program at National Integrated Social Forestry (NISF) Program noong dekada 80.
Ang mahigpit na ipinagbabawal, ayon kay RTD Sequito, ay ang pamumutol ng mga kahoy na natural na tumubo o mga punong hindi sadyang itinanim.
Kaugnay rito, abot sa anim na plantasyon ng fuel wood na ipil-ipil at kakawate ang itatayo ng DENR 12 kasama ang ilang people’s organization sa apat na lalawigan sa Soccsksargen Region.
Layon ng proyekto na magkakaroon ng fuel wood plantations kung saan maaring kumuha ng mga kahoy na gagawing uling na hindi na kailangang mamutol pa ng mga puno sa nakakalbo nang kagubatan.
Siniguro naman ni DENR 12 Regional Director Adeluisa Siapno na patuloy na pinagsisikapan ng kanilang ahensiya ang ilegal na pag-uuling. (DEDoguiles/PIA 12)
Number of Comments: 0