Tagalog news: Yellow Bus Line sinimulan na ang NC III certification ng kanilang mga drayber

By Danilo E. Doguiles

Friday 6th of July 2012
LUNGSOD NG KORONADAL, Hulyo 6 (PIA) -- Bukod sa pagtalima sa kautusan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na bigyan ng arawang sahod ang kanilang mga drayber at konduktor, sinisumulan na rin ng Yellow Bus Line na nakabase sa Koronadal City ang assessment at certification ng kanilang mga drayber batay naman sa kautusan ng DOTC.

Batay kasi sa Department Order 2011- 25 ng Department of Transportation and Communication (DOTC) bago mabibigyan ng certificate of public convenience (CPC) ang isang kompanyang ng pampublikong bus, kailangan munang makapasa sa National Certification III o NC III ang kanilang mga drayber.

Sa pulong kasama si DOLE 12 Regional Director Chona Mantilla, kamakalawa, iniulat ni YBL HR Manager Norlan Yap na humigit-kumulang 60 sa 200 na mga drayber ng YBL ay dumaan na sa NC III assessment ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Simula sa Hulyo 9 hanggang Hulyo 20, tig-sasampung drayber ang dadaan din sa kaparehong assessment araw-araw.

Paliwanag ni Yap, ginagawa nila ang naturang hakbang dahil mahalaga sa pamunuan ng YBL na masunod ang lahat na mga alituntunin at mga hakbang na hinihingi ng mga batas at mga pamantayang legal, kabilang na ang pagiging propesyunal ng kanilang mga drayber.

Sinabi naman ni Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) 12 board secretary Jessie dela Cruz na bagama’t DOTC, LTFRB at TESDA ang nangunguna sa pagpapatupad ng kautusan hinggil sa NC III certification ng mga bus driver, isinasama nila ang usapin sa kanilang pagkikipag-ugnayan sa dalawa pang bus companies sa rehiyon patungkol naman sa pagbibigay ng tiyak na arawang sahod sa mga drayber at konduktor. (DEDoguiles/PIA 12)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters