Tagalog news: SOCOTECO 1 sinimulan ang pagbabayad ng utang sa buwis
LUNGSOD NG KORONADAL, South Cotabato (Hulyo 3) -- Simulan nang bayaran ng South Cotabato 1 Electric Cooperative (SOCOTECO 1) ang utang nito sa real property tax sa pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato.
Nitong nakalipas na linggo, pumirma ng compromise agreement and lokal na pamahalaan ng probinsiya at pamunuan ng SOCOTECO 1 para bayaran ng kooperatiba ang utang nito sa RPT na umabot sa P73 milyon.
Ayon Alfredo Dumanig, hepe ng Land Tax Division ng Provincial Treasurer’s Office ng South Cotabato, babayaran ng SOCOTECO 1 ang prinsipal na buwis na umabot sa halos P45 milyon sa loob ng isang taon.
Kasabay ng pagpirma ng kasunduan, nagbigay ng electric cooperative ng P6,557,960 bilang paunang bayad. Simula ngayong Agosto hanggang sa Hulyo 2013, magbabayad din ito ng P3,170,054 bawat buwan.
Batay pa rin sa kasunduan, babayaran ng SOCOTECO 1 ang interes na umabot sa mahigit P28 milyon sa loob ng 15 taon o P1.9 milyon bawat taon na kukumpleto sa kabuuang P73 milyon na kailangang bayaran ng kooperatiba.
Sa naunang panayam, sinabi ni Board Member Ervin Luntao na malaking bentahe ito sa para kabang bayan ng pamahalaang panlalawigan lalo pa at nabawasan ng mahigit P36 milyon ang internal revenue allotment ng lalawigan sa taong 2012.
Hanggang sa Disyembre, tinatayang makakalikom ang pamahalaang panlalawigan ng mahigit P22 milyon mula sa SOCOTECO 1.
Nangako naman si Gov. Arthur Y. Pingoy Jr., na mapupunta sa mas malawak sa serbisyong pampubliko ang makokolektang buwis. (DEDoguiles/PIA 12)
Number of Comments: 0