Tagalog News: Gov. Pingoy pinagbabawal ang pagpapatrabaho ng mga menor sa minahan

By Danilo E. Doguiles

Thursday 7th of June 2012
LUNGSOD NG KORONADAL, Hunyo 7 (PIA) -- Muling pinaalalahanan ni South Cotabato Gov. Arthur Y. Pingoy Jr. ang mga may-ari ng mga mining tunnel sa bayan ng T’boli na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapapasok at pagpapatrahabo ng mga bata sa minahan ng ginto doon.

Sinabi ni Acting Provincial Environment Management Office Engr. Siegfred Flaviano na bagamat nakapaloob na ang usapin sa kanilang kasunduan sa mga operator, nagpalabas pa rin kamakailan ang gobernador ng memorandum na nag-uutos na hindi dapat payagan ang mga bata na magtrabaho sa loob ng mga minahan.

Ito ay alinsunod na rin sa adbokasiya ng pamahalaang panlalawigan kasama ang Department of Labor and Employment at iba pang ahensya ng pamahalaan hinggil sa child-labor free barangays at para na rin maiwasan ang disgrasya sa kabataan dulot ng pagtatatrabaho sa delikadong lugar.

Sa halip dapat umanong tutukan ang pagsiguro na magpapatuloy sa kanilang pag-aaral ang mga bata.

Inihayag naman ni Engr. Flaviano na kasunod nito, hihigpitan na rin nila ang pagpapatupad ng naturang kautusan. Maaari aniyang kanselahin ang mining permit ng sinumang lalabag sa naturang kautusan

Kalakip din sa naturang memorandum ang pagpapatigil sa operasyon ng mga tunnel kung may malakas na pag-ulan. Bawal ding pumasok sa minahan ang mga hindi minero, kabilang na rito ang kanilang mga anak at asawa.

Matatandaang noong Mayo 14, nagpasa na rin ng resolusyon ang konseho ng Barangay Kematu sa T’boli na nagbabawal sa pagpapatrabaho ng mga menor sa minahan ng kanilang lugar. Kasunod ito sa pagkakadiskobre ng DOLE na may 64 na child laborer sa mga minahan sa doon.

Sa ngayon balik na sa pag-aaral ang naturang mga bata at tinutulungan na rin ng DOLE ang kanilang mga magulang para magkapagsimula ng pagkakakitaan. (DEDoguiles/PIA 12)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters