Tagalog News: DOLE 12 isinusulong ang boluntaryong pagtalima ng mga kompanya sa labor laws

LUNGSOD NG KORONADAL, South Cotabato, Mayo 11 (PIA) -- Patuloy na isinusulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) 12 ang boluntaryong pagsunod ng mga mga pribadong kompanya sa mga batas at mga batayan patungkol sa mga manggagawa sa pamamagitan ng Incentivizing Compliance Program o ICP.

Paliwanag ni Charmaine Ladot-Sonsona, labor communications officer ng DOLE 12, sa pamamagitan ng ICP, nahihikayat nila ang mga establisimyento sa rehiyon na sundin ang mga occupational safety and health standards, labor standards, pati na ang mapayapang pagresolba sa mga hindi pagkakaunawaan ng mga mangaggagawa at employer.

Nagagawa aniya ito sa pamamagitan ng insentibo sa mga kompanya sa kanilang mga inisyatibo sa boluntaryong pagsunod sa mga labor laws at standards. Kabilang sa mga insentibo ang paggawad sa kompanya ng Tripartite Seal of Excellence na maaari ring itatatak sa kanilang mga produkto.

Bibigyan din ng ayudang teknikal at training ang mga kompanya para mas maipatutupad pa nila ng mabuti ang mga batas at mga alituntunin.

Sa ngayon, ayon sa DOLE 12, mayroon ng siyam na kompanyang nagpapasailalim ng ICP. Ito ay ang Dole Philippines Inc (Dolefil Inc.); Sagittarius Mining Incorporated, at South Cotabato Integrated Port Services, Inc. sa South Cotabato; ALSONS Industries; Notre Dame of Tacurong College sa Sultan Kudarat; Cotabato Light in Cotabato City; at Energy Development Corporation-MDGP at Stanfilco - North Cotabato Operation in North Cotabato.

Bago mabibigyan ng Tripartite Seal of Excellence kailangan muna nilang matupad ang mga sumusunod na criteria: Tripartite Certificate of compliance on Labor Standards, Gawad Kaligtasan and Kalusugan, Certificate of Child Labor Free Establishment, National Productivity Olympics Award o kapantay na award, at Outstanding LMC Award for Industrial Peace.

Noong nakalipas na Abril 20, nagtipon ang Tripartite Certification Committee (TCC) upang talakayin ang resulta ng social audit ng unang grupo ng kompanyang nagpatala sa ICP. Kabilang sa mga social auditors ang mga labor representative na sina Francis Gales at Mr. Ronnie Mondragon, Regional Tripartite and Industrial Peace Council vice chair for management Carlito Uy ay management representative Norlan Yap.

Inaasahan ng DOLE na sa pamamagitan ng ICP, mapapalinang nila ang kultura ng boluntaryong pagsunod sa mga batas sa paggawa, masiguro ang pantay at madaling paglutas ng mga di pagkakaintindihan ng mga manggagawa at management na hindi kailangang humantong sa kasuhan, mapapalago ang produksyon, at maisulong ang desenteng paggawa. (DEDoguiles/PIA 12)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters