Tagalog news: Freshwater fish biodiversity center balak itayo sa Liguasan Marsh
LUNGSOD NG KORONADAL, Mayo 11 (PIA) -- Balak ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na magtayo ng isang freshwater biodiversity center para sa mahigit dalawang daan walumpu’t walong libong (288,000) ektaryang Liguasan Marsh.
Ayon kay BFAR Director Asis Perez, inilalatag na nila ang plano sa paglinang ng isang bahagi ng Liguasan Marsh bilang biodiversity center dahil sa yaman ng biodiversity sa naturang marsh,
Maliban sa pagiging mahalagang pinagkukunan ito ng isdang tilapia, ayon kay Director Perez, tahanan din ito ng maraming tanim at hayop na doon lang makikita, kabilang na ang 92 klase ng ibon, anim na klase ng reptiles, limang klase ng amphibians at marami pang iba.
Nitong nakalipas na buwan, ipinamahagi ng BFAR ang P24.5 milyon na halaga ng mga proyektong pangisdaan at pangkabuhayan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao na mapapakinabangan ng mga mangingisda at kanilang pamilya na nakatira sa palibot ng marsh.
Kabilang sa pinagkagastusan ng naturang pondo ang P12.9 milyon na halaga ng kagamitan tulad ng 16 na non-motorized banca, 15 motor engine, 10 fish dryers, 2,500 na fish pots at 250 na yunit gill nets na ipamamahagi sa mga mangingisda at kanilang organisasyon.
Aabot naman sa P8.8 milyon ang halagang inilaan para sa pagtatayo ng limang multi-species hatcheries, rehabilitasyon ng mga bakawan , at pagtatayo ng 20 aquasilviculture techno-demo farms. (DEDoguiles/PIA 12)
Number of Comments: 0