Tagalog News: ARMM Gov suportado ang programang pangkapayapaan
KORONADAL CITY, South Cotabato, Abril 14 (PIA) -- Malugod na tinatanggap ni Maguindanao Gov. Esmael “Toto” Mangudadatu ang programa ng pamahalaan na palakasin ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan para pamahalaan ang kapayapaan at kaunlaran ng kanilang nasasakupan.
Partikular na tinukoy ni Gov. Mangudadatu ang programang “Mainstreaming Peace and Development in Local Governance” (MPDLG) na ipatutupad simula ngayong taon ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) at ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Kamakailan, sumailalim si Gov. Mangudadatu kasama ang mga mayor ng mga bayan ng Ampatuan, Buldon, Datu Piang, Kabuntalan and Talayan sa isang workshop kung saan ginabayan sila kung paano isama ang peace and development framework sa Annual Investment Plan (AIP) ng lalawigan simula ngayong taon.
Binigyang-diin ng gubernador na handa silang ipakita na posible ang paglago ang ekonomiya ng lalawigan at mamamayan sa ilalim ng tamang pamumuno ng mga pamahalaang lokal.
Samantala, niliwanag ni OPAPP PAMANA Area Manager for Central Mindanao Johnnel V. Raneses na layon ng MPDLG program na mabigyang halaga ang “conflict sensitivity” at pagsulong ng kapayapaan sa pagpaplano ng mga lokal na pamahalaan upang matugunan ang problema sa kaguluhan at maiangat ang buhay ng kanilang mamamayan. (DED-PIA 12)
Number of Comments: 0