Strong Republic: bagong balangkas ng pamahalaan
Isang matatag at malakas na Republika ng Pilipinas ang gustong itayo ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para sa bawat Pilipino.
Ang mithiin ng Pangulo na "Strong Republic" - ay isang republika na para sa mga mahihirap, mahihina, mga hindi nakatitiyak kung may pagkain sa kanilang hapag-kainan sa araw-araw, mga api at walang tiyak na pinagkakakitaan.
Sa nakalipas na taon simula nang siya ay manungkulan bilang pinakamataas na opisyal ng bansa, pinagsikapan niyang maitatag ang pundasyon ng isang malakas na Republika. Naipakita niya ito sa pamamagitan nang kanyang kaalaman at pagsisikap sa wastong pamamahala.
Ito ang may pananagutan sa pagbibigay ng pangunahing serbisyo sa mga mamamayan, maging mayaman o mahirap man sa isang kapaligirang ang nangingibabaw ay katahimikan.
Gov. Madrona, unang RDC chairman
Nahirang na unang Regional Development Council (RDC) Chairman si Romblon Governor Eleandro Madrona para sa MIMAROPA Region.
Ayon kay NEDA IV-B Regional Director Oscar D. Balbastro, ang pagkapili ay ipinahayag sa RDC IV-B Second Full Council Meeting na ginanap kamakailan sa Windmills & Rainforest Resort, No. 60 Scout Borromeo South Triangle, Quezon City.
Malugod na tinanggap ni Dir. Balbastro ang lahat ng nagsilahok at bisita sa pag-organisa ng pagtatag ng RDC IV-B (MIMAROPA Region) bilang pinakabagong RDC sa bansa. Ikinumpara niya ang mahalagang pangyayaring naganap sa unang pinagdausan ng pagpupulong na nagdiwang ng ika-93rd anibersaryo ng Manila Polo Club. Ipinaliwanag niya na nakamit ng club ang katayuan bilang isa sa maipagmamalaking institusyong sosyal sa bansa bunga ng lakas at pagkakaisa ng mga kasapi nito.
Lubhang mahalaga ang EO 103 sapagkat sumilang at naitatag ang Rehiyon IV-B.
Sinabi niya na ipinalabas ng Pangulong Arroyo ang kautusan upang mahati ang Rehiyon IV sa dalawang rehiyon para maging mabilis ang pag-unlad ng MIMAROPA na napansing naiiwan ng CALABARZON Region.
Naniniwala siyang sa pagkakahati ng dalawang rehiyon, mapagtutuunan nila ng pansin ang kanilang gampanin sa pagpapaunlad ng mga lalawigan sa tulong ng DILG para sa operasyonalisasyon ng bagong rehiyon.
Tinalakay din ni DILG IV-B Regional Director Aida C. Gatpandan sa nasabing pagpupulong kung paano ipatutupad ang implementasyon ng Executive Order 103 at ang mga barangay based programs gaya ng Gabay sa Mamamayan Action Center, Bayanihan, Paluwagan at pagpili ng pinakaligtas na pamayanan.
Tinalakay naman ni Asst. Director Mylene C. Capongcol ng Department of Energy ang pagbibigay ng alokasyong pondong pang-enerhiya sa Region IV-A at Region IV-B.
Binanggit naman ni NEDA IV-B Director Oscar Balbastro ang kahalagahan ng pagtatatag ng Regional Government Center, gayundin tinalakay niya ang pagdaraos ng RDC IV-B Strategic Planning Workshop, at Work and Financial Plan para sa CY 2003.
Balitang MIMAROPA, handog namin sa inyo
Nagpupugay ang pahayagang `Balitang MIMAROPA' sa sirkulasyon bunga ng pinag-isang layunin, adhikain, pananaw, kaisipan at kamalayan sa lipunang ginagalawan.
Sa paglahok ng `Balitang MIMAROPA' sa hanay ng mga lathalain at sa diwa ng malayang pamamahayag, makakaasa ang mga masugid na mambabasa sa ibayong pagsisikap at pagpupunyagi sa larangan ng totoong kaganapan sa lipunan, pamahalaan at sa bayan.
Kalakip ang pinaghusay na pagbabahagi ng mga kaalaman at kabatiran sa simulain nitong makapaglingkod sa mga mamamayan at sa pamahalaan lalung-lalo na ng mga taga Rehiyon IV-B tungo sa kaunlaran. Bahagi ito ng pagtugon sa matatag na paninindigan para sa mataas na uring serbisyong laan sa bayan.
Ibinagay ang pahayagan sa pag-angat at pag-unlad ng rehiyong sumasakop sa Mindoro Occidental at Oriental, Marinduque, Romblon at Palawan kaalinsabay ng pagkakabigkis ng bagong pamunuan at patnugutan nito sa pangangalap ng mga makabuluhang impormasyon na mailalahad sa madla.
Samo't-dalangin namin sa aming mga taga-subaybay ang inyong walang humpay na pagtangkilik sa ating bagong pahayagan ang `Balitang MIMAROPA'.
MABUHAY PO TAYONG LAHAT. MALIGAYANG PAGBABASA!
Editoryal
Noong nakaraang Mayo 17, 2002 nilagdaan ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Executive Order No. 103 na naghudyat upang mahati ang Rehiyon ng Katimugang Tagalog na binubuo ng 11 lalawigan.
Batay sa kautusan, nahahati ito sa Rehiyon IV-A CALABARZON, na binubuo ng mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon. Ang lalawigan ng Aurora ay nalipat sa Rehiyon III ng Gitnang Luzon. Samantala, ang Rehiyon IV-B na binubuo ng mga islang lalawigan ng Occidental at Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan na tinawag na MIMAROPA.
Sa isang pagpupulong na pinangunahan ni NEDA IV-B Direktor Oskar Balbastro kaugnay ng bagong tatag na rehiyon, makikita ang malaking hamong kinakaharap ng buong rehiyon. Binanggit niya ang mga estadistika sa mga provincial growth centers, ang lawak nito, ang distribusyon ng lupa, lupang sakahan, pangunahing pananim, klasipikasyon ng kita ng mga probinsiya, population indicators at antas ng pag-unlad ng pagkakakitaan, antas ng kaalaman sa mga bagay-bagay. Ang mga nabanggit ay lubhang mahalaga sa pagtaya ng kalagayang sosyo-ekonomiko sa MIMAROPA. Ang mga lakas na taglay nito, gayundin ang kahinaan na lubhang kailangan tulungan upang makamit ang minimithing pag-unlad.
Nasimulan na at naitatag ang regional line agencies para sa Region IV-B. Gayundin ang bagong RDC Chairman sa katauhan ni Romblon Governor Eleandro Jesus Madrona. Nakatitiyak tayo na hindi masasayang ang hangarin ng Pangulong GMA na kaya itinatag ang bagong rehiyon ay upang maging mabilis ang paghahatid ng pangunahing serbisyo sa mga islang lalawigan na hindi gaanong napagtutuunan ng pansin ng mga tanggapang pangrehiyon sa nakalipas na panahon.
Magandang oportunidad din ito sa mga tauhan ng gobyerno para sa kanilang promosyon sa bagong posisyong itinatag.
Buong pagkakaisa nating harapin ang hamon ng pag-unlad sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan tungo sa isang maunlad na MIMAROPA Region.
Makaasa ang bagong tatag na rehiyon sa suportang pang-impormasyon ng Philippine Information Agency (PIA) upang matugunan ang hamong kinakaharap nito. Kaisa ang PIA sa mithiin ng Pangulong GMA sa pagkakaroon ng isang malakas at matatag na Republika. Naniniwala kami na ang isang bansang may kaalaman sa tunay na nangyayari sa kanyang nasasakupan ay siyang pundasyon ng matatag na demokrasya, matatag na bansa at matatag na republika!
Gov't of National Unity kailangan ng bayan
Napapanahon ang pahayag ng Pangulong Gloria Macapagal Arroyo nang kanyang sabihin kamakailan na hindi na siya kakandidato sa taong 2004 upang makapagsimula tayo ng isang pamumuhay na base sa "National Unity and Cooperation" at hindi bunga ng hidwaan sa pulitika.
Marami ang naniniwala dito sa Pangulo dahil kung titingnan natin ang kasaysayang pulitikal ng bansa sa kabila ng pagiging moderno natin ay alipin tayo ng malalang pulitika.
Hindi maikakailang marami sa ating mga opisyal ay ayaw ng iwan ang kanilang mga katungkulan. Dinadaan nila sa dahas at salapi ang nangyayari.
Ayon pa sa Pangulo, malalampasan natin ang lahat ng ito sapagkat tayo ay nagkakaisa. "Gaya ng nasabi ko na sa inyo, simula ng ako ay maging Pangulo, ang tangi kung layunin ay kung paano mapagtatagumpayan ang paglaban sa kahirapan sa loob ng mga darating na panahon."
Binanggit pa niya na upang magtagumpay sa pambansang hangaring umunlad, ang mga sumusunod na elemento ng pakikibaka sa kahirapan ay ipatutupad.
- Pagnenegosyo upang dumami ang trabaho
- Pagpapalago sa kita at ani ng maralitang tagabukid
- Pagkalinga sa mga bahagi ng lipunan na naiiwanan ng kaunlaran.
- Moralidad sa lipunan bilang saligan ng tunay na kaunlaran
Ang mga ito ang mga sandata natin sa digmaang bayan laban sa kaunlaran. Kailangan lamang ang pagkakaisa at tulong ng Sambayanang Pilipino upang makamit ang minimithing gobyerno ng pambansang pagkakaisa at kooperasyon.
|